Wednesday, November 17, 2010

PANGARAP SA KINANG NG MGA BITUIN


Nagising ako isang umaga at inaayos ni Itay ang aking bakya na bukod sa pudpod na sa kalalakad ay tanggal na ang dahon nito kaya pinapako ni Itay.Masipag naman akong mag aral pero ngayon tinatamad na ako, sabi ko sa sarili ko "makakain ko ba yan?" Puro theory na lang hanggang kaylan pa? Lalo ngayon at ni pamasahe ay wala ako. "O, anak eto ang 'yong bakya" sabay abot sa akin "Paano ka ba maglakad? Dapat yata sa iyo'y bakal na sapatos, pabiro ngunit seryoso. "Pumasok ka na at mahuhuli ka na" "Tay wala po akong pamasahe nagastos ko po kasi 'yon budget ko sa project" pangangatwiran ko. Di umimik si Itay nakita ko na lang na buhat buhat niya ang isang kabang palay na nakalaan sana sa tagulan. "Habang sinusundan ko ng tanaw si Itay lihim akong lumuluha, nais niya akong mapagtapos. Pagbalik inabot niya sa akin ang napagbilhan ng palay. "Tipirin mo na yan anak" Bagamat di ko nakikitang lumuluha si Itay dama ko ang kirot na nagsasabing. "Tapusin mo ang iyong pag-aaral sa kabila ng ating kahirapan.
Isang gabi tumingala ako sa langit madilim ngunit may mga tala na siyang nagsisilbing ilaw sa pusikit na dilim.Marami akong mga pangarap na ibinubulong sa bawat bituin. Subalit kakaiba ngayong gabi, napakaraming "shooting star" Parang umuulan ng bituin eto nga ang "Meteor Shower" Kahit saan ako tumingin di ko maintindihan ang aking pakiramdam. Natutuwa na may kaba. Tulog ang lahat subalit ako'y gising, bagamat may takot tulad ng aking nakagawian, ibinulong ko pa rin sa bawat "shooting star" ang aking mga pangarap. Nabanggit ko na lahat ang aking mga pangarap pero bakit patuloy pa rin ang "meteor shower" Akala ko'y di na matatapos. Para akong nanaginip pero totoo dahil kahit sa radyo ay ipinamalita ang pangyayaring ito.
Lumipas ang panahon maraming nangyari at ang aking mga munting pangarap ay natupad na ngunit ang matatayog na pangarap ay umaasa pa ring makamit. Tulad ng "shooting star" na buhat sa kaitaasan saglit na nagbibigay ilaw sa pusikit na gabi at pagbaksak sa lupa ay isang piraso ng bato at alikabok. Dahil sa pangarap ako'y nadapa at paulit ulit na bumabangon. Ang dating pusong marupok ay naging isang sintigas ng bato, ngunit ang hiwaga ng Maykapal ay di maarok at sa batong yon sumibol ang batis ng buhay. Mga luha'y pandilig sa tigang na lupa. Si Itay, si Inay, si Ingkong at si ditse, si ate at si kuya pati na si bunso. Bumabangon ako para sa kanila. Ang aking pagbagsak ay inililihim. nais kong ibahagi ang aking tagumpay ngunit di ang aking kalungkutan. Ngayon habang itinititik ang bawat salita nakakita ako ng bahaghari payapa naman ang langit maaliwalas ang lahat, ah kapayapaan nagbibigay sigla. Ibat ibang kulay lahat ng kulay naroon. maging itim na wala sa kulay ng bahaghari ay nagpapatingkad sa mga kulay nito.
Lahat ay nilikha ng magkakaugnay, di puedeng isa-isantabi at itaas o ibaba man ang isa. Lahat ay nangyari ayon sa Kanyang itinadhana. Lahat ay mahalaga sa pagtupad ng isang mahiwagang misyon na unti unting inilalahad sa mga naghahanap at bukas palad na inihahanda ang sarili para sa pagtupad sa dakilang hangarin nito.

No comments:

Post a Comment

Thank you for your valuable comments.