Wednesday, December 12, 2012

CHRISTMAS NA BA?

     Napansin mo ba na taglish ang aking pamagat? Dahil sa simpleng pamagat na yan nais kong ipabatid na kaya tayo nagdiriwang ng Pasko bilang isang Kristiyanong nasyon dahil kay JesuKristo na ating ating tagapagligtas.
     Naalala mo ba kung paano sya ipinagdalangtao ni Maria? Hanggang ngayon ito'y isang misteryo na ang isang birhen ay nagdalantao sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Kung inisip ni Maria ang kahihiyan ng pagdadalangtao ng isang Birhen mayroon ba tayong tatawaging tagapagligtas at tayo ba'y  matatawag na Kristiyano?
     At nang sya'y naipanganak na inutos ng haring Herodes ng mga panahong 'yon na ipapatay ang mga sanggol na lalaki na bagong silang hanggang sa dalawang taon. Bakit , dahil ayaw nya na may pumalit sa kanya na di pa man isinisilang ay mas bantog pa sa kanya. Kasakiman sa kapangyarihan at kayamanan ang dahilan kaya ayaw mapalitan ng mas at pinakadkila kaysa sa sinumang nilalang.
     Ang batas ng hari noong mga panahong 'yon ay di dapat mabali. Ngunit kung isa ka sa may matinong kaisipan at may moral na tinatawag dahil sa siya ay hari susundin mo ba sya at papatayin mo ang mga bagong silang na sanggol?
     Ganoon din ang nangyari sa panahon ni Moises ipinapapatay ang mga panganay na sanggol. Kung ikaw ay isang kabilang sa lipi ng mga Hebreo na kumakatawan sa mga maralitang angkan wala kang karapatang mabuhay dahil ang turing sa mga Hebreo ay alipin.Kaya ang inang nagmamahal ay iniligtas ang kanyang anak sa pamamagitan ng pagpapaanod sa ilog hanggang sa makarating sa kamay ng anak ng Paraon.
Kung si Moises ay isa sa mga sanggol na napatay meron ba tayong sampung utos ngayon na syang sandigan ng lahat ng batas sa sansinukob?
     Kaibigan marami ang nagpapahiwatig na malapit na daw magwakas ang mundo. Ngunit maging sa banal na kasulatan ay sinasabing walang nakaalam ng araw na yaon. Ang paalala na maging handa at magbantay sa lahat ng oras. Ngunit sa ngayon ang mga may kapangyarihan ang syang nagtatakda ng katapusan. Kaibigan, ikaw, sila, tayo ay parehas na nilikha ng Maykapal at wala tayong karapatan na kitlin ang buhay na ipinagkaloob ng Maykapal.
     Para sa mga Mambabatas, kung tunay na isa kayong marunong dapat di lang sa intelektuwal na aspeto. Ang lahat ng aspeto ay dapat balanse.
     Isa sa aking mga kaibigan ay namatayan ng anak kamakailan lamang. Base sa kanyang kuwento isang "miracle baby" ang kanyang anak dahil kahit umiinom sya ng "pills" ng mga panahong 'yon isinilang pa rin nya itong buo at walang kapansanan. Ngunit kung kelan, magtatapos na sa Kolehiyo na isang lider, iskolar, mabait, mapagmahal at responsableng anak, kapatid, kaibigan, lider, at mag-aaral saka pa sya namatay sa isang maliit na kadahilanan.
     Isa lamang itong patunay na di epektibo ang paggamit ng "contraceptives". Kailangan talaga ay disiplina at masusing pagpaplano ang dapat gawin, wastong kaalaman at edukasyon para sa mga magiging magulang. At sa huli Diyos pa rin ang magtatakda at magbibigay buhay ang mag-asawa ay instrumento lamang ngunit ang kapasyahan ay  nasa Maykapal pa rin.
     Sa panahon ngayon moderno na ang pananaw ng mga tao at kahit ako ay sangayon sa mga paraan upang umunlad ang ating buhay. Ngunit ibang usapan na pag ang buhay ang pinag-uusapan.
     Kaibigan di mo ba napansin ang kalunos-lunos na nangyari sa Surigao dahil sa bagyong Pablo?   Ang kalikasan ay may natural na paraan upang mabalanse ang buhay sa mundo. At ang lahat ay may kabayaran sa takdang panahon. Masama man o mabuti ang iyong itinanim aanihin mo ang bunga ng binhing iyong itinanim sa takdang panahon.
     Nasa sa iyong mga kamay ang katugunan kung ang aanihin mo ay isang masaganang ani o isang masamang bunga.
     Gumising ka kaibigan hanggat kaya mo pang magbago. Mayaman man o mahirap, lahat ay may nakatakdang oras. Yan ang di maiiwasan ang pagsilang at kamatayan. huwag kang magmadali darating din tayo dyan. May mga bagay na nakalaan lang sa Maykapal nawa'y huwag na itong pakiaalaman. Bagkus ang tungkulin na nakaatang sa 'yong balikat ang sya mong gawin.
     Nawa'y magkaroon ng tunay na karunungang galing sa Maykapal ang ating mga mahal na Mambabatas.
Christmas na nga ba? Sana maramdaman ng bawat isa ang tunay na diwa ng Pasko. Ang pagmamahalan, pag-bibigayan, pagkakapantay-pantay, kapayapaan at pagkakaisa ay sumaating lahat.