Sunday, December 5, 2010

Ang Hawla ng Pag-ibig

Kaligayahan bang ganap kung ang tinatangi ay mapasakamay?

Tuwing umaga'y nagigising sa masiglang awitin ng pang umagang ibon. Nagbibigay sigla at pag-asa sa panibagong dahon ng buhay. Matayog na puno ang tahanan ng ibong yaon, at sa kamusmusan nais maangkin mahiwagang nilalang. Kung kaya't sinusundan bawat pagaspas at kung saan ito'y humihimlay. Aha! sa puno ng mangga malapit sa dampa ang iyong kanlungan. Dali- daling inakyat matayog na puno di alintana ang katayugan nito dahil ang pangunahing pakay maangkin yaring tinatangi. Pagdating sa ituktok ng puno, ano itong nakita? Isang pugad na hinabi buhat sa pinagsamang tuyong dahon, balat at balahibo. Isang natatanging obra, paanong ang gayong nilalang ni walang kamay, bagkus tuka at mga paa ang siyang kasangkapan ay nakalikha ng isang obra? Madarama na ang natatanging nilalang ay may masidhing pag-ibig sa kanyang mga inakay. Nakita ko ang bagong pisang itlog at ang tatlong inakay na wari'y umiiyak. Sumisiyap, ngunit ang ina'y nasaan? Marahil naghahanap ng pagkain para sa kanyang mga inakay. Naawa ako sa aking nakita, kung kaya't ibinaba ang pugad na yaon at dinala sa bahay kubo,doo'y pinainom at pilit pinakain ngunit di pa handa sa gayong pagkain.Gumawa ng kulungan at doo'y isinabit malapit sa bintana.

Umaga na naman ngunit di marinig ang masayang awit ng pang umagang ibon sa halip narinig iyak ng malungkot na inahin na hinahanap kanyang mga inakay. Sa bintana malapit sa kulungan nandoon siya't nililibot nagsasabing "mga anak, ah! pakawalan ninyo ang aking mga anak." Dali-daling umakyat at ibinalik mga inakay sa pugad na nasa tuktok ng puno.

Sa wari ko'y masisiyahan pag naangkin yaring nilalang ngunit hindi, dahil ang hawla na aking pinaglagyan ay isang maliit na lugar kumapara sa kalawakan. Dahil ang tunay na kagandahan ng isang nilalang ay makikita kung siya ay malaya. Ang paglipad,ang pagawit,magagawa lang niya pag siya ay ganap na malaya.