Monday, September 3, 2012

NATAGPUAN KO NA SI KAPITAN TIAGO

     Matagal-tagal na rin ang aking paghahanap kay Kapitan Tiago. Sa wakas natagpuan ko na rin siya ang mahiwagang ginoo sa aking panaginip. Ako'y gising at nasa wastong kaalaman. Ito nga ang bahay na aking nakita sa aking panaginip. At ang mga obra, may pagkakaiba man subalit mas lamang ang pagkakatulad. Ang bahay na tila puno ng hiwaga at kamangha-manghang mga bagay. Dama ko ang enerhiyang nagmumula sa isang di makitang elemento. At ilang sandali pa nakita ko ang larawan ni Kapitan Tiago, di ako puedeng magkamali. Ngunit isa lamang siyang likhang isip na nilikha ng aking malikot na isipan at nadala sa pagtulog. Subalit heto at isang makatotohanang pangyayari ang aking nasasaksihan. Oo nakita ko na siya, subalit sya pala'y pumanaw na sampung taon na ang nakaraan. At sa mismong araw pa ng aking kapanganakan. Imposible ngunit syang totoo. Di ko tuloy mawari kung alin ang imahinasyon  sa totoo. Tama natagpuan ko na sya ngunit ang hiwaga ng mga pangyayari at hiwagang nakabalot sa mga obra at bahay na iyon ay nanatili pa ring isang palaisipan. May mga bagay na sadyang laan lang sa Maykapal. Kahit  anong pagsisiyasat pa ang iyong gawin mananatiling hiwaga at misteryo. Pagkatapos ikutin ang kabuuan ng bakuran at bahay na iyon. Dama ko ang mga matang nakatitig na walang pisikal na anyo. Isang karangalan ang makita ang mga buhay na obra na di kumukupas at ang sining na likha ng madamdaming talento. Misteryo, huwag mong subuking arukin. Dahil tulad ito ng lalim ng karagatan na pag sinisid, ang kalaliman makikita ang perlas na nasa loob ng kabibe at di maipaliwanag kung sino ang nagturo sa mga kabibeng 'yon upang ingatan yaring mutyang sinisinta.