Si Juan nasa apat na taong gulang kumaripas ng takbo. Sa unang tingin isang batang nagpapansin o gustong maglaro sa loob ng simbahan. Ikaw ba naman makakita ng batang paslit walang sapin sa paa at biglang kumaripas ng takbo sa harapan mismo ng altar. Subalit huli na ng aking napagtanto. Ang dahilan pala ng kanyang pagtakbo ay dahil di sya agad nakapagbigay ng "love offering" sa "offering basket ".
Nagmamadaling hinabol ni Juan ang "usherette" na may dalang "love offering basket". Kung kaya't pati sapin sa paa ay nakalimutan maabutan lang ang kanina pa nakaalis na "usherette". Kita ko ang isang piso hawak-hawak ng kanyang munting palad. Sa iba isang kusing lang na walang halaga, napakaliit na halaga. Pero dahil sa ipinamalas na pag-aalay ni Juan ang isang pisong 'yon ay walang katumbas na halaga. Ang kanyang sigla, ang mga wagas na ngiti ay isang simbolo ng ganap na pag-aalay. Dahil kay Juan aking napagtanto na wala sa halaga ng pera ang isang pag-aalay. Kundi nasa taong nag-aalay kung tunay at ganap ang kanyang nasabing pag-aalay. Para kay Juan na isang musmos ito'y katumbas ng kanyang kaligayahan. Na sana'y pambili nya ng kendi o lollipop. Pero heto at buong pusong inialay ang yaman 'yon na katumbas ng kanyang kaligayahan. Kita kung sinundan sya ng kanyang nakatatandang kapatid at pagbalik di na sya tumatakbo manapa'y masigla, payapa, at ang ngiting malaanghel ay abot hanggang langit na ang bawat makakita'y tunay na mapapangiti hindi lang dahil sa kanyang malaanghel na ngiti ngunit maging ng kaaya-ayang kaloobang ipinamalas sa murang isipan.