Sabay sa tilaok ng manok ang
pagbangon ni Inang, tuwing umaga. Ewan ko ba kung bakit awtomatiko siyang
gumigising, marahil ito ang kanyang “alarm clock”. Pagkatapos magrosaryo,
magkakape, bubuksan ang bintana ng aming munting dampa, ayon sa kanya’y upang pumasok ang biyaya. Magwawalis ng
bakuran habang hitit ang kanyang tabako. At pag napagod ako naman ang babalingan. “Aba mahal na prinsesa gumising na po kayo at
tanghali na! “ Sigaw niya, na animo’y ang kausap nasa kabilang barangay. Ang
ganda na sana
ng umaga, sariwa ang hangin,ang awitan ng mga pang umagang ibon sa punong
mangga ang maririnig. Pero heto, kung siya tilaok ng manok ang panggising ako
nama’y ang kanyang nakaririnding sermon.
Bungangera man si Inang siya pa rin ang itinuturing kong bayani ng aking
buhay. Sa edad na singkwenta wala pa ring humpay sa paglalabada. Masasabi kong
propesyonal siyang labandera, dahil pag binitiwan ang damit talagang malinis at
mabango. Dalawang beses sabunin, kula dito, kula doon, at pag natuyo’y animo’y
paring binabasbasan ang nakakulang
damit. Bulong ko sa sarili, “tingnan mo itong si Inang, ibibilad tapos babasain
ulit”.Pagkatapos ng tatlong beses na
banlaw, sunod ang hampas ng palo-palo upang matanggal ang katas ng sabon. Ang
huling proseso, eto na ang kabayo ni Gabriela, este kabayo ng plantsa. “Hmmm!
Ang bango sarap isuot”.
Naabutan
ko pa ang dating ilog na malinis sa aming likod bahay sa Nueva Ecija at tuwing naglalaba si Inang sa
ilog, sa batuhan kami nagpapatuyo ng damit. Naranasan ko pa ang manguha ng
tulya na madalas naming ulam, laking pasasalamat ko sa tuwing isinasama ako sa
bahay ni Donya Violeta. Aba’y nakakatikim ako ng ibang putahe tulad ng “fried
chicken” at lechon.
Giliw na
giliw sa akin si Donya Violeta, ang mayaman na suking nagpapalaba kay Inang. “Apo mo ba yan Maria kay nasirang Ana?” “Anong pangalan mo
Iha?” “Nena po”, sagot ko. “Nena, Iha
gusto mo dito ka na lang tumira pag-aaralin kita, at ibibili ng bagong damit at
sapatos.” Tumingin sa akin si Inang, mga titig na tila nagbabanta. Simula noon dina
ako isinasama ni Inang. Ang tanging kasa-kasama ko si Muning na aking
kasa-kasalo sa pagkain.
Sa Edad kong anim na taon laboy ako sa
kalye, di alam ang salitang kamatayan nandiyan na halos masagasaan ng sasakyan,
mahulog sa bangin at malunod pero balewala dahil masarap magliwaliw.Pag kami’y
nagutom nina Buchoy at Bitoy naglalambitin ako na tila unggoy makakuha lang
kahit bubot na bayabas. Minsan akala ko’y katapusan ko na dahil kung nagkataon
sa bangin ako babagsak na may mga batong matutulis. Wala kaming kapaguran,
kundi lang umulan hindi pa ako uuwi, at dahil marusing naisipan kong ituloy ang
paliligo sa ulan. Naabutan ko si Muning sa pinto kaya’t isinabay ko sya sa
paliligo di pa makuntento inilagay ko sya sa loob ng timba na puno ng tubig.
Tuwang tuwa ako sa sa kabila nang panginginig ni Muning.
Dala ng kapaguran nakatulog ako ng mahimbing, nagising na lang ako sa pagyugyog
ni Inang. “Nena, gising at tayo’y
lilipat tumataas na ang tubig.” Si Inang
dala ang isang bungkos ng damit na nakabalot sa kumot, ako nama’y si Muning na
kanina pa nanginginig. Kumapit ka Nena”.
“Susmaryosep!, kaylan kaya titigil ang ulan, magugunaw na yata ang
mundo”. Sabi ni Inang habang tinatahak namin ang kawayang nagdurugtong sa aming
bahay. Ayon kay Ka Ines ang mapaghatid balita naming kapitbahay na nagpakawala
ng tubig ang Pantabangan Dam , kaya lalomg lumalim minsan naman
mapapakinabangan din ang pagkakaroon ng
matabil na kapitbahay dahil nauuna pang magbalita sa dyaryo’t telebisyon.
Lulan ako ng planggana ni Inang na dating
damit ang laman ngayon ako at si Muning ang lulan nito. Habang binabaybay ang
daan papunta sa kabilang ibayo, pikit matang nanalangin si Inang. Nabagabag ako
sa mga oras na iyon.Naaalala ko ang laging habilin ni Inang. “Huwag mong
paliliguan ang ‘yong alagang pusa at uulan ng walang humpay. Ayaw kong aminin na nagaksaya ako ng tubig at pinaliguan si Muning,
tiyak papaluin niya ako ng malapad na patpat ng kawayan. Dahil sa katigasan ng
aking ulo ang daming nadamay. “Papa God patawarin ninyo po ako.” “ Matapos
lang ito magpapakabait na po ako” , tahimik kong panalangin. “Pasensya ka na
Muning ngayon nanginginig ka sa lamig, yayakapin na lang kita tulad ng pagyakap
ni Inang.” “Maglalaro pa tayo sa plaza di ba gusto mo don?” Nanginginig pa siya
kahit yakap ko na siya.
Kinaumagahan paggising ko wala na ang baha, tuyo na ang
lupa. “Yeheey! Makakagala ako ulit”, subalit
si muning nang Makita ko’y matigas na. Wala nang gigising sa akin pag
binabangungot ako, tulad noong isang gabi may malaking ahas na pumulupot daw sa
katawan ko di ako makasigaw, buti na lang andiyan si Muning, kinagat ang daliri
ng aking mga paa hanggang sa magising ako at higit sa lahat wala na kong kasalo
sa pagkain lalo na pag tuyo’t tinapa ang ulam. Wala na rin akong kakampi. Tuwing papaluin ako ni Inang
pag umiiyak na ako lalapit na sya sa akin at
nagpapakalong. “Mamimiss kita Muning, paalam”.
Pagkatapos ng baha si Inang dala ang kanyang planggana na aming sandigan
upang mabuhay. Isang kahig isang tuka
sapat lang na pangkain sa araw na iyon ang kanyang kita. Matanda na siya
subalit eto patuloy pa rin sa pakikibaka. Nakuba na’t lahat sa paglalaba di pa
rin nakaipon.
Nagkasakit si Inang at dahil sa walang pera sa bahay lang sya di ko alam
kung anong gagawin, pinupunasan ko sya tulad nang ginagawa niya sa kin pag
maysakit ako. “Oh!, Nena di ka pa pumapasok,” , usisa ni Ka Ines . “Maysakit po
kasi si Inang”, sagot ko , Nasa unang baitang ako noon alam ni Ka Ines na di ako lumiliban at maaga ring
pumapasok, alam nya ‘yon dahil di lingid sa kanya wala man kaming pagkain o baon
pasok pa rin ako. May katabilan
man siya’y mabait naman at may malasakit. “Sige na pumasok ka na at a
ako muna titingin sa Inang mo.’” “Salamat po Ka Ines” Bago pumasok pumunta muna ako sa likod bahay ,
nanguha ng bunga ng bayabas, hindi upang kainin kundi upang ibenta, kaylangan namin
ng pera, di nakakapaglabada si Inang. Salamat sa Diyos marami ngayong bunga
ang puno ng Bayabas. “Salamat kaibigang
bayabas. Paguwi galing eskwela bumili ako ng bigas nilugaw ko iyon nilagyan ng
luya at asin, “Ayos na ito” “Inang sandali na lang ito”, habang inihain ang
lugaw umuusok pa. “Inang kain na po.” Inang akala ko’y natutulog lang si Inang
pero nang hawakan ko ang kamay niya
malamig na at naninigas at hindi na sya humihinga. “Inang gumising ka ,
heto yong paborito mong lugaw ipinagluto kita, Inang marunong na akong maglaba
, hindi ka na maglalaba ako na, Inang gumising ka. Paano na ang mga pangarap
natin , inang gumising ka! Nang tumigil
ako’y paos na ako’t di makapagsalita.
Nagsidatingan ang mga kapitbahay upang
sumaklolo ngayon pa , kung wala ng buhay si Inang. Wala na akong pamilya . Ulila na akong lubos si Inay na namatay dahil sa pagsilang sa
akin, at ngayon ang kinagisnan kong magulang na nag-aruga at nagpalaki sa akin .
Katapusan na ng mundo para sa akin. Tulala akong pinagmamasdan ang plangganang
naiwan ni Inang at habang tanaw ito’y
nagbabalik ang kalbaryo ng baha na simula nang nadarama kong
kalungkutan.
Nagmagandang loob si Donya Violeta na kupkupin ako. Sa puntod ni Inang
nangako akong magpapakabait at tutuparin naudlot niyang pangarap. Pangarap na nagsimula sa Planggana ni Inang. “Inang
paalam ang isinakripisyo mong buhay ay may taglay na pangako. Tutuparin ang
ating mga pangarp.Mamahalin at susundin mga taong nag-aruga sa akin, at
magkakaroon tayo ng bahay na di aanurin ng baha.
Mabait
si Donya Violeta subalit ang kanyang anak, si Tiya Letty, itinuring akong
katulong pag wala si Donya Violeta , bago pumasok sa eskwela sa edad kung
sampung taong gulang pinalilinis ako ng kulungan at pinapakain ang kanyang mga
alagang baboy, at pagdating sa hapon isa akong labandera, kahit may mga
katulong na gagawa noon, ako pa rin ang inuutusan niya. “Hoy Nena huwag kang
maginarte, anong gagawin mo tutunganga, kaylangan mong matuto ng lahat ng
gawaing yan dahil mahirap ka lang kaya
huwag kang kukupad kupad” , bulyaw niya sabay talikod. “Pagpasensyahan mo na
yan alo ni Aling Vicky “maligo ka na at
pumasok.” Sa kabila ng lahat, nagtiyaga ako dahil sa pangako. Ang tanging
sandata ang pananampalatayang namana kay Inang, na syang sandigan nang aking kalakasan at pag-asa.
Ngayon
magtatapos na ako sa elementarya habang binabalikan ang mga nagdaan na
tila bangungot na sa bawat pagpikit ng
aking mga mata’y nakikita ang kadiliman. “Nena ikaw na” , kalabit ni Rhoda .
Leonora Mijares “Valedictorian” “Inang ito ang simula” , habang papalapit sa entablado upang tangapin ang medalyang
ginto “Para sa iyo” sabay tulo ng aking
mga luha. Dinig ko ang palakpakan ng mga
tao at ang kanilang bulungan “kawawang
bata” “matalinong bata” , at sa aking Valedictory Address” maikli lang at ang
kabuuan nito’y sundin, igalang at mahalin ang mga magulang habang nadarama pa
nila ito.
Napagtanto ko ng mga sandaling ‘yon,
makamit mo man ang tagumpay kung wala ka
namang pag-aalayan isa itong hungkag na pangarap.
Ang
tanging naiwan ni Inang ang kanyang plangana. Ngayon habang hinahaplos ito na animo’y kamay ni Inang. Ngayong hawak ko ito ang
halimuyak at hiwaga ng hanging humalik sa aking pisngi ay nagsasabing di ako
iniwan ni Inang.