Wednesday, November 17, 2010

BAKIT PULA ANG DAMIT NG NAZARENO ?

Ang dukhang sisiw na dinagit ng agila ay gagawa ng paraan upang maging sinlakas nito.

Batang marusing walang sapin sa paa yan si Totoy. Bagamat marusing mababanaag pa rin ang malaanghel na mukha at ang tunay na ngiti. Ang simbahan ay bahay dalanginan, ngunit sa labas nito'y, larawan ng karukhaan, ang pulubi,mga may kapansanan, samu't saring paninda. At sa gabi'y makikita mga pamilyang naglatag ng dyaryo at doo'y natutulog.Isa doon si totoy, ang kanyang ina ay naglalako ng sampaguita at kandila. Naisipan kong bigyan ng tsinelas dahil walang sapin sa paa, ngunit pagbalik ko kinabukasan nakapaa pa rin, sabi ng Ina suot ng kanyang kuya.

Minsan nakita ko ang kuya ni Totoy si Lito isang binatilyo, wala sa wisyo akala ko'y nakainom lang subalit hindi, ilang araw na rin siyang ganun ang gawi. Kumakanta ng malakas, tumatawa, umiiyak, animo'y may kinakausap subalit wala naman. Sabay turo sa imahe ng Nazareno. "Idolo ko yan kaya pula din ang damit ko " Noon ko lang napansin na parehas nga ang kulay ng damit ng Nazareno." Nooong una tantiya ko'y nagpapansin lang pero hindi si Lito at ang pamilya nito ay salamin ng dukhang Pilipino. Sa halip na pagkain kundi "rugby", "solvent" naman ang tinitira.

Tunay na hindi bunga ang dapat gamutin kundi ang ugat nito. Ang pinakaugat kahirapan, kawalan ng edukasyon. Maaaring may tutulong upang pansamantalang maibsan ang epekto nito. Subalit paulit ulit pa rin dahil ang pinakaugat ay hindi nabibigyang kalutasan.

Nais kong tumulong ngunit ako ma'y gayundin. ang tanging sanggalang ng mga sawimpalad ay panalangin na siyang tanging inaasahan at wala ng iba. Tunay na epektibo ang panalangin para sa iba. Pagkalipas ng ilang buwan, bumalik sa katinuan si Lito, ng nakita ko'y naglalako na ulit ng sampaguita. May galos at bukol sa noo. Ayon sa kanyang kuwento, isang gabi may humampas sa kanya sa may madilim na bahagi hindi niya nakita ang taong iyon. Sa aking pagaanalisa nakatulong pa ang aksidenteng 'yon upang mabalik siya sa wastong kaisipan.

Ngayon tuwing titingin ako sa imahe ng poong Nazareno may mas malalim na kahulugan. tinubos tayo ng kanyang dugo, upang tayo'y maging simbusilak ng bulak. sa pagpasan ng Krus magtulungan tayo sa dalahin ng bawat isa; dahil ang paglalakbay sa mundong ito ay pansamantala lamang. Ang koronang tinik na humahadlang upang tayo'y magpatuloy, kaylangan nating malampasan, dahil Siya ang ating gabay na nauna sa atin ay napagtagumpayan ang lahat, kaya tayo bilang tagasunod ay makakaya rin ito.

No comments:

Post a Comment

Thank you for your valuable comments.