Walong oras bago magbagong taon. "Makarating kaya ako sa oras ng maghihiwalay ang taon?" Sa Cubao walang masakyan puno lahat ng bus. Kung dati paroo"t parito ang sasakyan ngayon kaylangan pang pumunta sa terminal, pero wala na daw biyahe. Sige lakad tanong dito tanong doon. Ang ganda pala ng kabuuan ng Cubao akala ko himpilan lang ng mga sasakyan, may nakatago palang angking kagandahan. Sa paggagalugad ng masasakyan nakita ko ang "Chocolate Factory" "Puro tsokolate kaya ang lahat ng bagay dyan?" Nililibang ang sarili pero ang totoo naiinip na, isang taon na rin ng huli akong umuwi. Sa wakas nakarating ako sa Edsa at nakakita ng biyahe sa Pangasinan hindi pa puno pero may kamahalan ordinary bus pero presyong pang espesyal. Ang mahalaga makarating ako sa amin. Ang bilis napuno ang bus kulang na lang pati bubong pagkasyahin upang makarating lang sa paroroonan. Animo'y mabubuwal ang bus tumatagilid hindi na balanse ang iba'y nagsisigawan. Rosaryo naman ang siyang tanging hawak. Sa daan may mga nagpapaputok, may mga fireworks na nadaanan,. Sa bawat bahay may makukulay na ilaw ngunit meron ding tahanang madilim, tahimik. Ilang oras na lang makakarating na din ako sa lupang sinilangan.Pagyapak sa bayang sinilangan madarama ang pamilyar na yakap at simoy ng hangin na umukit sa aking katauhan.
Eksaktong alas dose nakarating ako ng aming tahanan. naabutan si Inay na naghahanda ng "media noche" Tahimik "Ay! may bisita pala tayo" sambit ng aking nakababatang kapatid. Buhat sa mahabang biyahe kumakalam na ang aking sikmura, tinanong kung may kanin, ipinaghanda ako ni Katel may adobo ngunit mas pinili ko ang kamatis, at tinapa. Nanabik akong kumain ng nakakamay payak ang ulam pero maganang kumain. "Ang payat mo" wika ni Katel. Si Bantay maamong lumapit, nagsasabing "saluhan kita sa iyong pagkain" Kung ako ang papipiliin mas nanaisin kung manatili sa aming munting tahanan kasama ang aking pamilya. Ito ang buhay na payak ngunit masaya. Komportableng buhay, ngunit sa isang banda may naghihintay na gawaing itinakda. Kinaumagahan kasama ang aking bunsong kapatid pumunta kami sa bukid nilibot ito. Nakakita ng mga bakang nanginginain ng damo, mga punong kahoy na namumunga. Sininghap ang sariwang hangin bagay na nakakapanabik. Maririnig ang awitin ng pang umagang ibon. Makikita ang makukulay na paru- parong lumilipad sa mga bulaklak na tumubong kusa. Nang napagod bumalik sa tahanan. "Inay puede ninyo ba akong gupitan?" ito ang pinanabikan kong oras na tulad ng ako'y musmos pinipilit gupitan ni Inay ngunit ngayo'y siya kung hinahanap-hanap. Dagling tumalima si Inay malabo na rin ang mata niya, kung dati di kaylangan ng salamin ngayon sa bawat sandali kaylangan niya ang tulong nito. Madarama ang banayad na pa-ibig at pagaaruga. Sa wari ko'y habang ginugupitan ako ni Inay ang kanyang mga kamay sabay na dumadalangin sa bawat haplos nito. Ang yayat niyang kamay na nag-aruga at pinanday ng hirap ng panahon. Kinahapunan namaalam na rin ako sabi niya "Dumito ka na, at tayo'y magtutuwang sa ating kabuhayan. Hinihintay ako na pigilan ni Inay ngunit hindi binigyan ako ng laya na gawin kung ano ang gusto ko. Kasama ng kanyang pagmamahal, payo at tiwala humayo ako at tinahak ang mundo ng walang katiyakan. Sa aking paglalakbay nakakita ng mga makukulay na bulaklak na di naman tinanim ngunit kusang tumubo, ang mga ito'y nasa gilid ng gulod. May mga ibon ding langay langay kulay puti nanginginain sa palayan. Napakagandang tanawin. May tinig na nagsasabing "Tingnan mo ang damo, ang ibon di gumagawa o humahabi man ngunit sila'y nabubuhay. Sila'y Iniingatan ikaw pa kayang nilikhang kawangis niya?" Tunay sa aking pagbabalik ang tiwala at pagasa ang siyang instrumento sa pagtahak upang makakilos ng akma sa mundong walang katiyakan.
No comments:
Post a Comment
Thank you for your valuable comments.