Monday, August 31, 2015

TARA LARO TAYO!

Gitnang kapanahunan ng magsimula ang larong chess.
At ito'y binago noong Ikalabingsiyam na siglo.
Ito ay laro para sa matatalas ang isip.
Dahil kailangan mong pag-isipan ang bawat hakbang na iyong gagawin.
Sa isang maling hakbang ito ang magiging dahilan ng iyong pagbagsak.
Ang chess ay isang laro, subalit ito'y talamak na ginagamit ng mga institusyon  na may herarkiya.
Kapag ang larong chess ay ginamit sa totoong buhay tulad ng pamamalakad sa isang institusyon,
Ang mga kawawang pobre ang uutusan muna upang maging pain. Iniingatan ang reyna at hari.
Ang tunay at mabuting pinuno ang syang nangunguna sa mga hakbang  upang magtagumpay ang kanyang nasasakupan hindi 'yon nangangalap ng mga pain upang sya'y protektahan at pagtakpan,
Ang ganitong uri ng pinuno ay takot sa sariling multo at nagtatago sa mahihinang pobre,
na pinangakoan ng ganito at ganireng gantimpala.
Sa pelikulang Hercules, ang pagiging pinuno nya ay simbolo ng katapangan. Na sa bawat digmaan bagamat may mga hukbong sandatahan bilang lider si Hercules ang nangunguna. Di man magsuot ng anumang simbolo ng korona o anuman ang kanyang pagkilos ng buong tapang na pamumuno at pangunana bago ang kanyang sandatahan ay isang tatak ng isang mabuti at matapang na pinuno.
Sa makabagong henerasyon ngayon gamit na gamit pa rin ang pag-aaply ng batas ng larong chess.
Ang batas ng mga institusyong may pinunong mahina at takot. Sa halip na ipagtanggol ang nasasakupan sya pa ang nauunang magkubli sa laban.
ang ganitong pamumuno ay di magtatagal, dahil upang magkaroroon ng tapang at lakas ang iyong nasasakupan dapat muna itong makita sa pinakalider ng institusyon. Ito'y pinapakita sa gawa hindi sa salita. Totoo man o hindi ang bawat paratang kailangan buong tapang na harapin ng mabuting pinuno.
Sa panahong tulad nito ang kapakumbabaan ng mabuting pinuno ang dapat mangibabaw kung nais manumbalik ang lakas ng kanyang puwersa.
Huwag mong pagtiwalaan ang sariling mong lakas at karunungan bagkus magtiwala sa Diyos at Ama natin na syang nakatatalos ng lahat at magbaba sa palalo ngunit magtataas sa mapagkumbaba.
Ang kapayapaan ay sumaating lahat.!




Friday, August 7, 2015

SALAMAT, SALAMAT ATE!

     Umuulan kaya naman ang mga batang nagkalat sa kalye ay nabawasan. Sa araw ding ito nakadaupang palad ko si Anthon. Isang batang kalye. "Ate padagdag naman ng pera ko pambili lang ng pagkain" nagmamakaawang sabi ni Anthon. At dahil kalat na ang batang tulad ni Anthon normal na lang 'yon na tanawin at minsan di na kapansin-pansin ang ganitong sitwasyon. Subalit ng araw na 'yon nais kong kumain kasama ang katulad ni Anthon na batang lansangan. "Di nga bibili ka ng pagkain baka mamaya solvent o rugby aang bilin mo?" Pagdududa ko at para makatiyak na makakain nga sya sinamahan ko syang kumain sa isang karinderya. "Oh hayan may pagkain na tayo, kumuha ka na ng kutsara para makakain", utos ko sa kaniya." "Ate baka itaboy po nila ko kasi pag pumupunta po ako  lagi po nila akong pinapaalis" tugon ni Anthon. Kaya't tumayo ako upang makakuha ng kutsara at bago kami kumain sinabihan ko sya ulit."Anthon magpray muna tayo bago kumain, simulan mo na." "Nahihiya ako ate" sagot ni Anthon. "Di ka nga nahihiyang manghingi eh mas nakakahiya 'yon kaysa sa pagdarasal." "Kaya mo yan huwag ka ng mahiya ako lang naman makakarinig" biro ko pa sa kanya. Ilang minutong nag-isip si Anthon "sige ate 'yon na lang pong natutunan ko sa bahay aruga" "Sige para makakain na tayo" "Bless us oh Lord in this thy gift that we are about to received from thy bounty through Christ our Lord Amen." bagamat utal at nagkakamali si Anthon sa pagbigkas ng panalangin dama ko ang kapakumbabaan at taus-pusong panalangin ni Anthon. Habang kumakain na kami tinanong ko sya bakit napunta sya sa bahay aruga at bakit pa sya umalis doon. Tugon naman nya kasi daw nahuli sya ng barangay dahil curfew na nasa kalye pa rin sya. Umalis daw sya kasi siksikan daw sila doon at di sya nakakain ng tama dahil tipid daw ang pagkain. Bagamat batang lansangan mababanaag ang malaanghel na mukha ni Anthon matangos ang ilong at may malaki at mapungay na mata. Sa unang tingin pilyo at sutil na bata pero pag nakilala mo isa syang matalinong bata na may malasakit sa pamilya. Sa murang edad na syam na taong gulang dapat sana'y nag-aaral sya sa at nasa ikaapat na baitang. Ayon pa sa kanya di na daw umuuwi ang nanay nya. At ang tatay naman nya ay may ibang pamilya at di sila tanggap dahil may kaya ang angkan nito. Ang kasama nila ng kanyang apat na taong gulang na kapatid ay ang kanyang lola na namamalimos din para sila'y makakain. Gusto daw mag-aral ni Anthon..... At sa aming paghihiwalay di mapatid ang kanyang pasasalamat. "Salamat,salamat ate." Nakakatuwang isipin na sa maliit na bagay na nagawa mo ramdam mo ang langit sa lupa sa pamamagitan ng taus-pusong pasasalamat ng batang lansangan na tulad ni Anthon. Marami ang tulad ni Anthon nagkalat sa lansangan ngunit karaniwang pinangingilagan, kinukutya,pinandidirihan subalit sa kabila nito ay isang anghel na nagtatago sa marungis na damit.