Saturday, August 4, 2012

Rally for Life

     Allergic ako sa word na rally  dahil para sa akin ito ay gawain ng mga taong walang magawa sa buhay.
Pero ngayon nag iba ang kahulugan nito sa aking buhay. Oo ito ang kauna-unahang pagkakataon na ako'y sumali  sa rally. Noong una, curious lang , nag-aabang ng away, batuhan, or tangke na darating. Pero almost 1 hour na akong nakatayo, wala pa rin ang aking madugong sagupaan na pinakaaabangan. Sa halip umulan ng napakalakas, at sa hinuha ko isa-isa ng mag-aalisan ang mga taong naroon. Subalit ni isa ay walang umalis at di natinag sa kanilang kinatatayuan. Doon naantig ang puso ko. Ano bang meron  sa rally na ito. Ako 'yon tao na walang pakialam anuman ang batas hanggat di ako maaapektuhan, basta ako tama ang ginagawa ko. Ang batas ay para sa mga mambabatas. Motto ko nga "mine your own business". Subalit unti-unting nabuksan ang aking kamalayan sa ipinakitang katatagan ng mga taong nagtitipon sa Edsa. Tahimik na nanalangin. Sa kasaysayan ito ang maituturing ko na Edsa 2. Buhat noong 1986. Bagamat di ako nakadalo sa mga panahong 'yon akin itong nakikinita at binalikan sa araw na ito. Walang dahas na namagitan. Tunay na minsan ang sigaw na paanas ay nakabibingi kaysa sa sigaw na walang patumangga. Nakita ko ang puwersa ng panalangin, kahinahunan at pagiging edukado ng mga taong masa na naroroon. Isang karangalan na mapabilang sa rally na ito. Ngayon aking napagtanto na makasaysayan nga ang kasaysayan. Dahil pawis, dugo at buhay ng mga Pilipino ang nakatayo kapalit ng isang mabuti at makabuluhang adhikain.
    Lahat ng bagay sa mundo ay may buhay. Una dahil nakatira tayo sa kaisa-isang planeta na may buhay. Pangalawa nandito ang mga tao. At sabi nga sa matalinghagang pananalita sa anak "dugo ka ng aking dugo, laman ka ng aking laman." Kaya di katwiran na dugo pa lang dahil ang dugo ay buhay. Kaya nagkakaroon ng buhay dahil sa dugo dahil ito ang daluyan ng oksiheno na pangunahing pangangailangan natin upang tayo'y masabing may hininga at humihinga. Sa sampung utos nasasabi sa ikapitong utos "Huwag kang Papatay". Dahil di pa marunong umiyak, magreklamo,magsalita, lumaban ang sinasabing dugo puede ng kitlin ang buhay nito ?
     Napaluha ako kanina hindi dahil pagod na akong nakatayo kundi awa sa mga sanggol na di pa man isinisilang ay pinapatay na. At sa buong pusong pakikipaglaban ng taong masa.
     Lumaki po ako sa mahirap na pamilya at namasdan ko na ang unang suliranin ay edukasyon, pangalawa opurtunidad at pangatlo di tamang pamamahagi ng yaman. Ito sana ang pag-tuunan ng pansin hindi 'yon mga sanggol na walang kalaban-laban.
     Kung pakikinggan ang hinaing na ito, marahil magiging maunlad ang bansang Pilipinas. Marami hinaing si Juan dela Cruz ngunit pag lahat ba sinabi pakikinggan. Hindi dahil si Juan ay isang hamak na walang kapangyarihan. Subalit paano maghahari ang isang hari kung walang pamumunuan? At isipin nyo ang buhay sa mundo ay di permanente kahit isa ka pa sa napakayamang tao sa mundo. Kaya't anong karapatan mo na kitlin ang buhay ng iba isipin mo tao ka rin na may hangganan. Kung di ka man naniniwala sa buhay na walang hanggan. Maniwala ka sa kaparusahang walang hanggan. Dahil ang lahat ay aanihin mo pagdating ng panahon mabuti man o masama.
     Masaya ka ba kung ikaw lang ang masaya?
     Nawa'y ang karunungang galing sa Diyos ang maghari di ang karunungang may hangganan.


http://www.cbcpnews.com/cbcpnews/
http://couplesforchristglobal.org/
http://veritas846.ph/

No comments:

Post a Comment

Thank you for your valuable comments.