Saturday, May 12, 2012
SI INAY
Dalawang dekada na ang lumipas ng kakulitan at katigasan ng ulo bilang isang musmos ngunit ang tyaga at pagmamahal ni inay ay di kumukupas.Naaalala ko noon anim na taong gulang pa lang ako, kung paanong tumalon sa bintana upang di madapuan ng palo ni Inay. Sa kabila ng galit nakuha pa ring kumaripas ng takbo na tila nakikipaglaro ng taguan. "Huwag ka ng babalik kung hindi naku..." , ang gigil na sabi ni inay. Sadyang may pagkapilya at masunurin si Kulit kaya't kahit gutom na'y pinipilit sundin ang nasabi ng Ina. Sa kabila ng kapilyahang 'yon haplos pa lang ni Inay nakapagpapagamot na ng sakit. Sya ang unang guro na nagtiyagang nagturo sa paham na kaisipan. Ang awit ng kundiman pag nais humimlay ay kusang maririnig at pinaghehele si Kulit.Bawat minuto hinahaplos kamay ni Inay, ngunit ngayon yayat na ang kanyang mga bisig. Pinipilit ikubli ang bawat himaymay ng hapdi at kirot. Ang puso ng Inay di magmamaliw. Marahil sadyang ang inakay ay naging ganap ng agila subalit sa kabila noon pag napilay at halos di makalipad pangalan pa rin ni Inay ang sinasambit na tila sisiw na muli'y nais maramdaman ang init ng kanyang mga pakpak. Marahil wala man syang makabagong teknolohiyang maalam gamitin, ngunit ang puso ng ina'y nakasisiyasat kung anong nasa puso't isipan ng kanyang minamahal na anak. Ang tanging dalangin nawa'y dinggin ng Poong Maykapal Kanyang mga Panalangin na inuusal gabi't araw. Payak na ina ng tahanan ngunit ang ilaw ay abot hanggang kalangitan. Kung ilang balde ng luha ang naipon buhat sa kanyang hapis na puso ay di mabilang. Ngunit ang alingawngaw ng kanyang halakhak ay nakatatak sa puso't isipan. Inaalala kung pano nasilayan ang kanyang ngiti dahil sa si Kulit ay aakyat sa entablado ng may karangalan. Kahit hirap pilit lumikom ng salapi upang mabilhan ng bagong damit yaring anak na sinisinta. Ngayon ang tanging hiling nawa'y mapagtipong-tipong muli mga inakay na nagkawatak-watak. Salamat Inay sayong pagtitiyaga. Sa 'yong masuyong haplos at natutong magmahal, sayong disiplina at natutong magpakabait. Salamat sa iyong pagmamahal na di nagmamaliw. Lahat ng hirap mo'y di nasayang. Mahal na Ina patawad sa mga sandaling ika'y napaluha. Ngayon magalak ka at matuwa dahil ang iyong sakripisyo'y nagbunga ng kabutihan. Ang bawat kataga ay kulang upang sambitin kung gaano ka namin pinasasalamatan. Korny man pero Mahal ka namin Inay. At sa'yong kaarawan nawa'y makauwi sa ating tahanang iyong sininop sa mahabang panahon.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment
Thank you for your valuable comments.